Mga Kolehiyo sa lungsod pumayag ng maging exam venue ng LET

 PUMAYAG NG MAGING TESTING VENUES PARA SA GAGANAPING SEPTEMBER 24, 2017 LICENSURE EXAMINATION FOR TEACHERS ANG ILANG KOLEHIYO SA LUNGSOD.

 Ito ay ayon na rin kay City Mayor Joseph Evangelista matapos niyang maka usap ang pamunuan ng mga kolehiyo.

 Pumayag na maging exam venues para sa tinatayang 4,000 – 5,000 LET examiness ang Notre Dame of Kidapawan College, Colegio de Kidapawan at ang Central Mindanao Colleges,

 Ang mga nabanggit ay karagdagang testing centers sa nauna ng kinilala ng City Government na Kidapawan City Pilot Elementary School at Kidapawan City National High School – dalawa sa pinakamalalaking public schools sa lungsod.

 Ang pagho-host ng isa sa mga LET exams sa bansa sa petsang nabanggit ay matagal ng nilakad ni Mayor Evangelista sa pamunuan ng Professional Regulatory Commission o PRC na siyang magsasagawa ng pagsusulit.

 Nakumbinsi niya ang pamunuan ng PRC Manila para gawin dito ang isa sa mga pinakamalalaking licensure examinations sa bansa.

 Kaugnay nito ay kinausap na rin niya ang mga nagmamay-ari ng mga hotel, inns, lodging houses, apartelles at boarding houses na nag-ooperate sa lungsod na malugod na tanggapin ang mga LET examinees na manunuluyan sa kanila.

 Pinaki-usapan na rin niya ang mga may-ari at tsuper ng tricycles, vans at iba pang pampublikong sasakyan sa lungsod na huwag sumingil na mahal na pamasahe sa mga mag-eexam sa September 24.

 Inaasahang dito kukuha ng LET ang mga nagnanais maging lisensyadong guro na mula pa sa North Cotabato, mga areas ng Autonomous Region of Muslim Mindanao, SOCSKSARGEN, at Davao del Sur.

 Kaugnay nito ay pumayag na rin ang PRC na gawin din dito ang isa sa mga Criminology Licensure Examinations sa December 8,9, at 10, wika pa ni Mayor Evangelista.