Kawani ng City Govt isa sa mga Top Government Employees ng bansa sa 2017

 NAPILI BILANG ISA SA MGA NATATANGING KAWANI NG GOBYERNO ANG EMPLEYADO NG CITY LGU NGAYONG TAON.

 Ginawaran ng parangal ng Civil Service Commission si G.Julito Saladan Agricultural Technologist bilang isa sa mga recipients ng CSC Most Outstanding Government Employees Pag-Asa Award 2017.

Sakop ng CSC Pag-asa award yaong mga kawani ng Pamahalaan na nakapag-ambag sa pagpapaunlad o nakatulong sa mga komunidad sa pamamagitan ng ‘innovation o invention’.

 Kinilala ng CSC ang naimbentong “African Night Crawler -ANC Dormitel “ ni Saladan na nakatulong na makagawa ng organic fertilizer sa maraming komunidad sa lungsod ng Kidapawan.

 Ang kagamitang nabanggit ay inimbento niya upang dahan dahan na malimitahan ang pagdami ng nakokolektang basura sa mga tahanan.

 Ito ay yari sa plastic na drum na hinati sa iba’t-ibang layer sa loob.

 Dito itatapon yaong mga nabubulok na basura tulad ng tirang pagkain, balat ng mga gulay at prutas , o mga tinabas na tanim at damo.

 Ito ay kakainin ng mga uod o vermiworms na ilalagay sa ibabaw ng mga nakolektang basura.

 Ang duming magmumula sa kinain ng mga uod ay maggamit na bilang pataba sa mga tanim sa palibot ng bahay.

 Sinimulang i-mass produce ni Saladan ang kanyang imbensyon noong 2014.

 Ito ay ginagamit na  ng CENRO sa kanilang Solid Waste Management campaign na naglalayong malimitahan ang dami ng koleksyon ng basura.

 Nakatulong din ang nabanggit sa urban greening program ng City Government.

 Mismong si Pangulong Rodrigo Duterte ang mag-aabot ng parangal ni Saladan sa Awarding Ceremonies ng Most Outstanding Government Officials and Employees sa Setyembre 20, 2017 sa Malacanang na siyang highlight ng Civil Service Month celebration ngayong buwan.

 PH TOP GOVERNMENT EMPLOYEE  2017 – Malugod na ipinresenta ni City Mayor Joseph Evangelista si Ginoong Julito Saladan Agri Technologist ng City Government bilang isa sa mga napiling Most Outstanding Government Employees Pag-Asa Awardee 2017 ng bansa sa Convocation Program ng City LGU noong September 11, 2017.