Mayor Evangelista at Brgy Officials sabay sabay na magpapa-drug test

 SABAY SABAY NA SASAILALIM SA DRUG TESTING SINA CITY MAYOR JOSEPH EVANGELISTA AT MGA OPISYAL NG APATNAPUNG BARANGAY NG LUNGSOD.

 Ito ang commitment ng alkalde para sa ikatatagumpay ng MASA MASID o Mamamayang Ayaw sa Anomalya Mamamayang Ayaw Sa Illegal na Droga 2017 na inilunsad noong Martes Oktubre 10, 2017.

“ Dapat maging huwaran tayong mga public officials sa kampanya kontra illegal drugs.”, giit pa ni Mayor Evangelista sa mga opisyal ng barangay na dumalo sa programa.

 Sorpresang isasagawa ang naturang drug test, paniniyak pa ng alkalde.

 Maliban pa sa pagiging ‘malinis’ sa paggamit ng illegal na droga, hinikayat din ni Mayor Evangelista ang mga barangay officials na aktibong makipagtulungan sa mga otoridad sa kampanya.

 Kasali din sa pinananawagan ng Punong Ehekutibo ay ang pagsegurong nagagamit ng tama ang pondo ng barangay.

 Pinangunahan ng Department of the Interior and Local Government ang paglulunsad ng MASA MASID 2017.

 Layun nito na malabanan ang paglaganap ng illegal na droga sa mga komunidad at katiwalian sa mga tanggapan ng Pamahalaan base na rin sa direktiba ng Pangulong Duterte.