OFW na nakulong at nakalaya nagpasalamat sa City Gov’t

 ABOT LANGIT NA PASASALAMAT ANG IPINAPAABOT NG ISANG OVERSEAS FILIPINO WORKER NA NAKALAYA SA PAGKAKAKULONG SA BANSANG OMAN SA TULONG NG CITY GOVERNMENT.

 Si Ramel Tibang, edad 38 na taga Antipas, Cotabato ay nakalaya pagkatapos ibuhos ni City Mayor Joseph Evangelista ang kaukulang tulong legal para siya mapalaya sa kanyang pagkakapiit sa bansang nabanggit.

 January 1, 2018 ang mismong petsa ng paglaya ni Tibang matapos ang isang buwang pagkakakulong doon sa umano ay kasong pagnanakaw na isinampa sa kanya ng kanyang employer.

 Humingi ng tulong ang kanyang ina kay Mayor Evangelista at agad umaksyon ang alkalde at nakipag ugnayan sa Philippine Overseas Workers Administration at sa embahada ng Pilipinas sa Oman.

 Isa’t kalahating taong namasukan si Tibang bilang Flower Arranger sa Muscat, Oman.

 Aniya, napag initan siya ng kanyang among Arabo at gumawa ito ng kwento na siya umano ay nagnakaw.

 Bagamat at nakulong, napatunayan naman ng korte sa Oman na siya ay inosente.

 Sa kanyang pagdating sa Pilipinas ay kaagad pinuntahan ni Tibang si Mayor Evangelista sa City Hall at personal na nagpasalamat sa tulong na ipinaabot nito sa kanya.

 Pinasalamatan niya ang alkalde sa agarang pagtulong nito ‘kahit siya ay hindi taga Kidapawan City.’

 Aminado si Tibang na siya ay undocumented OFW kaya at payo niya sa mga nagbabalak magtrabaho sa ibang bansa na dumaan sa tamang proseso upang maiwasang maranasan ang kanyang kinasapitan doon.