City LGU ginalugad ang Mega Market, ilang mga tindahan kulang sa clearances

Author Name: Lloyd Kenzo L. Oasay

 Muling ginalugad ng City LGU ang mga pwesto sa loob at palibot ng Mega Market.

 Marami pa kasi sa mga ito ang wala pang kumpletong permits and licenses na magnegosyo na may pahintulot mula sa Lokal na Pamahalaan.

 Ito ay isa sa mga pamamaraan na ginagawa ni City Mayor Joseph Evangelista na malaman kung sumusunod ba sa Revenue Code ang mga pwesto sa Mega Market.

 Hindi lamang kasi Business Permits ang dapat icomply ng naturang mga tindahan.

 Kaakibat din ng Business Permit ang Sanitary clearance; SSS, Philhealth at Pag Ibig contributions para sa mga namamasukan sa tindahan, Fire Safety Clearance at Building Clearance.

 Dalawampu at apat na mga stalls sa Building 3 at perimeter area ang ginawan ng inspection ng City LGU kahapon.

 Kabilang sa mga tindahan na ito ay mga ukay-ukayan; dry goods and grocery, pati na rin mga sanglaan.

 Bagamat at may mga business permits na ang mga ito, may kakulangan o di kaya ay expired na ang ilan sa kanilang mga clearances.

 Payo naman ni Mayor Evangelista sa mga tindahang sinuri na asikasuhin na ang mga kaukulang clearances upang hindi maharap sa closure.