Kampanya kontra illegal na droga mas palalakasin pa ng City LGU

Author Name: Lloyd Kenzo L. Oasay

 “Mas palalakasin pa ng City LGU ang kampanya kontra illegal na droga.”

 Ito ang siyang binitiwang salita ni City Mayor Joseph Evangelista ng tanungin sa kanyang reaction sa matagumpay na drug buy bust operations ng mga otoridad na ikinahuli ng dalawang ‘tulak’ ng shabu kahapon ng hapon sa lungsod.

 Resulta ng pagpupunyagi sa matagal na pagmamanman at case build up ng mga operatiba ng PNP at Philippine Drug Enforcement Agency o PDEA ang pagkakahuli sa mga kinilalang pushers na sina Juvy Villanueva edad 25 na tubong Pigkawayan North Cotabato at live in partner nito na isang Renato Duga-Duga Padernal edad 48 sa kanilang tirahan sa may Saniel Subdivision ng Poblacion.

 Abot sa halos kalahating milyong piso ang halaga ng may dalawampu at dalawang pakete ng shabu ang nabawi sa dalawa.

 Ayon na rin kay Mayor Evangelista, tinuturing na ‘malalaking isda’ ang high value target na si Villanueva na diumano ay distributor ng shabu sa Kidapawan City at karatig lugar sa lalawigan ng Cotabato at maging sa ilang lugar sa Davao del Sur.

 Nasa top 5 umano na high value target ng mga otoridad si Villanueva, dagdag pa ng alkalde.

 Dahil dito, nagbanta ang alkalde na tuloy at mas magiging malakas pa ang kampanya alinsunod na rin sa ginagawang hakbang ng Duterte Administration sa giyera nito laban sa illegal na droga.

 Hindi lamang kasi naka focus sa law enforcement o panghuhuli ng mga nagtutulak at gumagamit nito kungdi, palalakasin din ang education at prevention campaign ng mga otoridad lalo na sa mga kabataan na maiwasang gumamit ng illegal na droga na makakasira sa kanilang buhay.

 Napag-alaman na nagmumula pa sa Cotabato City ang mga shabu na nirerepake at ibinebenta ng nabanggit na mga indibidwal na hinuli ng otoridad.

 Tiyak ng walang kawala ang mga nahuling tulak na nakapiit na sa kasalukuyan ng Kidapawan City PNP lock up cell.

 Pinapurihan naman ni Mayor Evangelista ang mga ahente ng PDEA ARMM at PDEA Region 12 kasama na ang City PNP sa matagumpay na operasyon.