Mahigit isandaang batang lalaki nabigyan ng libreng ‘tuli’

Author Name: Lloyd Kenzo L. Oasay

 Tradisyon na tuwing summer vacation na magpatuli ang mga batang lalaki sa bansa bilang paghahanda sa kanilang pagbibinata.

 Sa Kidapawan City, 133 na mga batang lalaki  ang nabigyang ng libreng serbisyong tuli ng City LGU katuwang ang Non-Government Organization na With Love Jan Incorporated simula ngayong araw.

 Target ng serbisyo ang may tatlong daang batang lalaki sa Barangay Poblacion ng lungsod na nagsimula ngayong araw hanggang bukas.

 Isinagawa ang aktibidad sa covered court ng Kidapawan City Pilot Elementary School.

 Maaga pa lang ay pumunta na roon ang mga bata na sinamahan ng kanilang tatay o nanay.

 Matapos ang pagtutuli, ay may libreng gamot din na ibinigay gaya ng pain reliever para maibsan ang kirot ng sugat at antibiotic naman para hindi maimpeksyon at mabilis na maghilom ang sugat.

 Aabot din ng isang linggo ang recovery period ng batang lalaking tinuli bago siya makapaglaro o gumawa ng mga gawain sa tahanan, ayon na rin sa mga duktor na nagsagawa ng pagtutuli.  

 Pinayuhan naman ang mga magulang na siguraduhing malinis ang damit at pantakip ng kanilang anak at hugasan ng malinis at maligamgam na tubig na pinakuluan ng dahon ng bayabas para mas mapabilis ang paghilom ng sugat liban pa sa pag-inom ng mga gamot na nireseta ng duktor.

 Magpapatuloy naman hanggang bukas ang Operation Tuli ng City LGU at With Love Jan Incorporated sa nabanggit ng venue.